Ika-animnapu’t isang taon ng
pagsasamantala’t pambubusabos ng US sa Pilipinas.

Bayan Bikol July 4, 2007

Sa araw na ito ay inaalala ang ika-animnapu’t isang araw ng pagkakaibigan ng Pilipino at Amerika. Ang araw kung saan binigyan ng huwad na kalayaan ng US ang Pilipinas pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ito rin ang araw kung saan nag-umpisa ang mas masahol pang pandarambong ng Amerika sa mga Pilipino.

Hindi yata’t ang araw na ito ang naging umpisa ng pagkakaroon ng mga di pantay na tratado ng US at Pilipinas pabor sa una? Ang Visiting Forces Agreement, Mutual Defense Treaty, at Mutual Logistics Support Agreement ay ilan lamang sa mga di pantay na kasunduan ng dalawang bansa. Dahil sa mga kasunduang ito muling nakabalik ang mga tropang Amerikano sa kabila ng pagtanggal ng kanilang mga base noong 1991, at mula 2001 nanatili ang presensya ng libu-libong sundalong kano sa Pilipinas na nagdulot ng mga kaso ng panggagahasa sa mga Pilipina at pinakamatingkad nga ang kaso ni Nicole na bagamat nasentensyahan ang isa sa akusado ay hindi naman maparusahan sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Para sa BAYAN-Bicol ang araw na ito ay dapat alalahanin bilang araw ng lantarang panlalamang at pambubusabos sa atin ng US at hindi bilang araw ng pagbibigay nila sa atin ng kalayaan. Dapat tingnan ng bawat Pilipino na ang itinuturing nating kaibigan ay siyang dahilan ng labis na kahirapan sa ating bansa at ng lumalawak na kaso ng paglabag sa ating karapatang pantao dahil na rin sa inilalapag nilang globalisasyon at gyera kontra terorismo.

Ang pagkakaibigang ito ng US at Pilipinas ang ugat ng pagbagsak ng ating ekomiya dahil sa mga patakarang tanging ang US ang nakikinabang at ito rin ang dahilan ng tumitinding pasistang panunupil ng rehimen dahil sa labis na pagpapakatuta nito sa US. Di nga ba’t mabilis pa sa kidlat na ipinasa ang Anti-Terrorism Bill sa anyo ng Human Security Act na isinunod sa gyera kontra-terorismo ng US upang sa muli ay subukang lipulin ang mga makabayang indibidwal at organisasyon na tumututol sa imperyalistang paghahari ng US.

Kaya’t naniniwala ang BAYAN-Bicol na hanggat hindi nawawala ng tuluyan ang direktang pakikialam ng US sa ating soberanya at hanggat hindi napapabagsak ang tutang rehimen magpapatuloy at titindi pa ang pambubusabos na ating dadanasin sa kamay ng dayuhang nagpapanggap na ating kaibigan.###


ILANTAD AT LABANAN ANG ARMADONG PANGHIHIMASOK
NG IMPERYALISMONG US SA PILIPINAS!

TUTULAN ANG TERORISMO NG ESTADO!

IBASURA ANG HUMAN SECURITY ACT!

PATALSIKIN ANG PAPET, PASITA AT PEKENG PANGULONG SI GLORIA!#


Reference Person:
Marites Lopez