Mariing kinukondena ng BAYAN-Bicol ang pag-aresto sa chief political consultant
on peace process ng NDFP na si Prof. Jose Maria Sison at ang panghahalughog sa
opisina at kabahayan ng mga tauhan ng NDF ng mga awtoridad ng The Netherlands.
Ang aksyong ito ay magdudulot ng pagguho ng usapin pangkapayapaan sa pagitan ng
GRP at NDFP dahil walang ibang nasa likod nito kundi ang rehimeng US-Arroyo.
Ipinapakita lamang nito na hindi seryoso ang pamahalaang Arroyo sa pagsusulong
ng usaping pangkapayapaan.Naniniwala ang BAYAN-Bicol na ang pag-arestong ito
ay isang aksyon ng rehimeng US-Arroyo upang takutin at pahinain ang lumalakas na
hanay ng mamamayang lumalaban sa kanilang mapanupil na mga patakaran. Inaakala
ng kasalukuyang rehimen na ang pag-aresto kay Prof. Sison ay magpapahinto sa
pakikibaka ng mamamayan na isang malaking kamalian.
Ang aksyong ito ay bahagi lamang ng programa ng pamahalaan ni Gloria na todong
gyera sa itinuturing niyang kaaway ng gobyerno, kung saan isinasantabi ang
kapakanan ng mga mamamayang sibilyan na siyang labis na apektado sa todo gyerang
ito. Sa gayon tuluyan ng inililibing ng rehimen ang usapang pangkapayapaan sa
bansa.
Ito ay hudyat na rin ng mas matindi pang panunupil sa mga mamamayan na bahagi ng
implementasyon ng Batas Kontra Terorismo o ang Human Security Act of 2007. Sa
kabila nito umaasa ang BAYAN-Bicol na ang pamahalaan ng The Netherlands ay
irerespeto at isasaalang-alang ang karapatang pantao ni Prof. Jose Maria Sison.
Isulong ang Usaping Pangkapayapaan! Palayain si Prof. Jose Maria Sison!
Labanan ang Panunupil ng Rehimeng US-Arroyo!
Tessa Lopez, Tagapagsalita
(052)480-52-27
09103199044
Email: bayan_bicol@yahoo.com
Website: www.bayan.ph/bicol |