Pag-apruba ng P6.00 Dagdag sa COLA
ng mga Manggagawa sa Bicol, Pambabarat!

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN-BIKOL, October 15, 2007

Help us
propagate
this
article,
DIGG IT!


Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board-Bicol ang dagdag na Cost of Living Allowance o COLA ng mga manggagawa sa Bicol. Subalit mas maliit ito sa binarat na P12.00 dagdag sahod na inaprubahan ng nasyonal, P6.00 na piso lamang o kalahati ng inaprubahan ng DOLE.

Para sa BAYAN-Bicol ang P6.00 umentong ito sa sahod ng mga manggagawa ay hindi man lang makakasapin sa kumakalam na sikmura ng mga manggagawang Bikolano lalo ngayong pataas ng pataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Kung tutuusin sa pamasahe pa lang papunta sa pinagtatrabahuhan nila ay kulang pa ito sa minimum sa pasahe lalo na kung maipapatupad pa ng P1.50 dagdag sa pasahe. Ang dagdag na sahod na ito ay nagmimistulang limos lamang sa mga manggagawa at hindi man lang makakapantawid gutom. Ang kailangan ng mga manggagawa ngayon ay nakabubuhay na sahod at hindi dagdag limos. P125 pa rin ang panawagan nila na dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ipinagyayabang ngayon ng administrayong Arroyo ang gumagandang ekonomiya. Ayon kay Gng. Gloria tumataas ang halaga ng piso laban sa dolyar at dumarami ang mamumuhunan sa bansa patunay raw ng lumalagong ekonomiya. Ngunit hindi ito ramdam ng mga maliliit na mamamayan partikular ang mga mamamayang Bikolano. Noong nakaraang linggo lamang ay tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang asukal na umaabot na sa P40.00 ang kilo at ang bigas na umaabot na sa P29.00 ang kilo. Kung patuloy na lumalago ang ekonomiya bakit kailangang baratin ang umento sa sahod ng mga manggagawa at bakit hindi mapigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.

Ito ay manipestasyon lamang na ang ipinagyayabang ng pamahalaang Arroyo na gumagandang ekonomiya ay pawang kasinungalingan lamang upang pagtakpan ang tunay na kalagayan ng mga mamamayan . Nais lamang ng rehimeng Arroyo na bigyang katwiran ang hindi nito pagbibigay pansin sa mga batayang serbisyong kailangan ng mga mamamayan. #

Tessa Lopez, Tagapagsalita
(052) 480-52-27
09103199044
Email: bayan_bicol@yahoo.com
Website: www.bayan.ph/bicol