Petisyon para sa tuluyang pagpapasara, pagpapalayas, at pagbabayad pinsala ng mapanirang Lafayette sa isla ng Rapu-Rapu, Albay

UMALPAS KA- BIKOL, LAMBAT-BIKOL, SARA, AKLAS, SAGIP ISLA- SAGIP KAPWA Inc., STA FLORENTINA PARISH  MAMAMAYAN NG RAPU-RAPU AT ALBAY, Hon. Gov. Joey S. Salceda at Sangguniang Panlalawigan ng Albay

Help us
propagate
this
article,
DIGG IT!


Download the Petition in PDF

KAMI, MGA MAMAMAYAN NG RAPU-RAPU, TAONG SIMBAHAN, ORGANISASYONG PANGKALIKASAN, MANGINGISDA, MAGSASAKA, KABATAAN,  PROFESYONAL AY MAHIGPIT NA NAGKAKAISA AT NANANAWAGAN PARA SA TULUYANG PAGPAPASARA, PAGPAPALAYAS AT PAGBABAYAD PINSALA NG MAPANIRANG PAGMIMINA NG LAFAYETTE  SA ISLA NG RAPU-RAPU, ALBAY, PILIPINAS.

Ang aming pagkakaisa at panawagan ay nakabatay sa mga sumusunod na dahilan:

1. Matapos ang malakas na ulan sa Isla ng Rapu-Rapu noong Oktubre 26- 27, 2007, nakita ng mga mangingisda ang mga patay na isda na nakalutang sa dagat ng  Barangay Pagcolbon, Malobago, Sta Barbara at Carogcog. Nang sumunod na araw, namaho ang  Barangay Poblacion dahil sa maraming patay na isda ang nakakalat  sa baybayin at nakalutang sa dagat;

2. Noong Oktubre 29, 2007, namatay ang isang aso na kumain ng patay na isda mula sa baybayin ng Poblacion. Nang sumunod na araw, nakita ng mga residente ang mga patay na  talaba, sisi, star fish, tagunhason (seashell) sa dagat ng Poblacion Rapu-rapu;

3. Noong Oktubre 31, 2007 ng gabi, dinala sa ospital ang tatlong (3) bata na sina Sarah Jane dela Cruz, 14, Lorilyn dela Cruz, 11 at Saint Jane Balbino, 2 taong gulang dahil sa walang tigil na pagsusuka at pagtatae. Napagalaman na sila ay nalason ng kinaing sea shell o tagunhason;

4. Dahil sa malawakan at maramihang pagkamatay ng mga isda at iba pang lamang dagat, nawalan ng kabuhayan ang kalakhang residente ng Poblacion lalo na ang mga mangingisda sa Isla Rapu-Rapu at nagresulta sa higit pang paghihirap at pagkagutom;

5. Walang ibang dahilan sa matinde at mapait na trahedyang ito sa karagatan, buhay at kabuhayan ng  mga residente ng Rapu-rapu, Albay kundi ang mapaminsalang pagmimina ng Lafayette na pinagmumulan ng mga nakalalasong kemikal. Batay mismo sa pahayag ng Environmental Management Bureau- V (EMB-V) noong Nobyembre 2, 2007 sa Bombo Radyo at ABS-CBN sa Legazpi, ang mga namatay na isda ay kontaminado ng cyanide;

6. Hindi ito ang unang fishkill mula nang  magmina ang Lafayette sa Isla ng Rapu-Rapu.  Ang malawakan at maramihang pagkamatay ng mga isda at iba pang lamang dagat sa karagatan ng Rapu-Rapu ay dati ng nangyari noong Oktubre 11 at 31 at Nobyembre 1, 2005 at napatunayan ng Rapu-Rapu Fact Finding      Commission na ang Lafayette ang may kagagawan nito;

7. Mula noong pumasok at magsimula ng operasyon ng pagmimina ang Lafayette, nanatiling isa sa pinakamahirap na munisipyo ang Rapu-Rapu sa probinsya ng Albay. Isang panloloko ang deklarasyon ng Lafayette na maghahatid sila ng trabaho, kabuhayan at kaunlaran sa mga mamamayan. Mayorya ng mga manggagawa ng kumpanya ay hindi naman taga Isla kundi nagmumula sa ibat ibang lugar. Ang pinangangalandakan ng Lafayette na social development and livelihood program ay 2.35% lamang ng kanilang kabuuang kikitain sa pagmmina. Matapos mangako noong 1999 at 2001 na magbabayad ng milyun-milyong pisong buwis, sila ay tumalikod sa kanilang pananagutan sa pamamagitan ng pribilihiyo sa ilalim ng Special Economic Zone Program ng pamahalaan;

8. Pagkatapos ng unang insidente ng pagkamatay ng mga isda noong 2005 ay hindi pa nakakabangon sa pagkasadlak sa kahirapan ang mga mangingisda at mas lalo pang pinalala ng muli na namang maganap ngayong taon ang pagkamatay ng mga isda sa karagatan ng Rapu-Rapu. Hindi kaunlaran bagkus labis na kapinsalaan ang tunay na hatid ng Lafayette sa Isla ng Rapu-rapu;

9. Hindi kaunlaran at kabuhayan ang hatid ng LAFAYETTE sa Isla ng Rapu-Rapu, Albay kundi pagkawasak ng kabundukan, pagkasira ng kalikasan, pagkalason ng karagatan, pagkakasakit ng mga residente, pagkawala ng hanapbuhay at higit sa lahat ang nakaambang kamatayan ng mga mamamayan.

Sa gayon, nararapat lamang na tuluyan ng ipasara, palayasin at pagbayarin ng pinsala ang Lafayette.

Kasabay ng petisyon na ito ang aming mariing panawagan para sa pagbabasura ng mapaminsalang batas na Philipine Mining Act of 1995 (Republic Act No. 7942) dahil sa pagiging anti-mamamayan at makadayuhang katangian nito.  Nagiging instrumento lamang ang nasabing batas ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina tulad ng Lafayette upang saidin at pagtubuan ang ating likas na yamang mineral at lapastanganin at wasakin ang kalikasan at kabuhayan naming mga mamamayan.

Basura, lason, kahirapan, at kamatayan lamang ang hatid ng mapangwasak, malawakan, at dayuhang pagmimina!

Kasama nito ang aming mga pangalan at pirma bilang patunay ng aming pagkakaisa at paninindigan.