Kampong Bayan sa Isla Rapu-Rapu itinirik,
Agarang Ipasara ang Lafayette!

UMALPAS KA-Bikol, Nobyembre 6, 2007

Help us
propagate
this
article,
DIGG IT!


Download the statement in PDF

Itinirik ng mahigit sanlibong (1,000) galit na mamamayan ng Rapu-Rapu ang Kampong Bayan sa harap ng  Munisipyo ng Rapu-Rapu nang hindi itinuloy ang special session ng Sanggunian  Bayan kahapon upang imbistigahan ang nangyaring fishkill noong Oktubre 26-28, 2007 sa karagatan ng isla.

Pinangunahan ng Sagip Isla at ng UMALPAS KA-Bikol ang nasabing pagkilos upang agarang ipasara, palayasin at pagbayarin ng pinsala ang dayuhang kumpanyang Lafayette.

Malinaw ang manaiobra ng Lafayette sa mga halal na opisyal upang  talikuran nito ang kanilang obligasyon na ipagtanggol ang kapakanan ng mamamayan  at pangalagaan ang kalikasan.

Matatandaang makailang beses nang naulit ang trahedya ng fishkill,  noong 2005 at mas malala ngayong taon. Naging malawakan at maramihan ang  namatay na isda at lamang dagat sa karagatan ng Rapu-Rapu. Limang barangay ang  apektado, Pagcolbon, Malobago, Sta Barbara, Carogcog at matinding tinamaan ang Brgy.  Poblacion dahil sa lason mula sa Lafayette.

Kagutuman ang hatid ng fishkill sa mga residente ng Rapu-Rapu lalo na  sa mga mangingisda dahil tinamaan ng husto ang pangunahing pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.  Mula ng mangyari ang fish kill, hindi na nagpalaot ang mga mangingisda dahil sa takot na ang kanilang mahuhuli ay kontaminado pa ng lason na lalo pang naglugmok sa  dati na nilang hirap na kalagayan.

Isinugod sa ospital noong Oktubre 31 ang tatlong bata na sina Sarah  dela Cruz, 14, Lorilyn dela Cruz, 11 at Saint Jane Balbino, 2 taong gulang  dahil sa walang tigil na pagsusuka at pagtatae dulot ng kinaing tagunhason (sea  shell).

”Hindi kami aalis sa harap ng munisipyo hangga’t walang ginagawang  aksyon ang pamahalaang bayan ng Rapu-Rapu at hangga’t di napapalayas ang  Lafayette”. Ito ang matigas na paninindigan ni Antonio Casitas, head servant ng  Sagip Isla.

Ayon kay Arieto Radores, Tagapagsalita ng UMALPAS KA- Bikol, ”higit  naming papalawakin at walang pagod na ipagpapatuloy ang laban mula lokal, probinsya,  pambansa hanggang makarating sa internasyunal ang ating kampanya upang mapasara  ang operasyon ng Lafayette. Dagdag pa nya, ”nararapat lamang na  pagbayarin ng pinsala ang Lafayette sa naging epekto nito sa buhay at kabuhayan ng  mamamayang Albayano at Sorsoganon”.

”Nananawagan ako sa lahat na may puso at may simpatiya sa aming laban  na magbigay ng pagkain (bigas, de lata, tuyo at iba pa) upang makatawid  gutom sa mga apektadong residente dulot ng lason sa bayan ng Rapu-Rapu. Mangyaring  ipadala ang mga relief goods sa mga address na nasa itaas”, panawagan ni  Casitas.

”Basura, lason, kahirapan, at kamatayan lamang ang tunay na hatid ng mapaminsala, malawakan at dayuhang pagmimina ng Lafayette,”  pagtatapos ni Radores. #

Sanggunian:

Arieto Radores – Tagapagsalita - UMALPAS KA-Bikol
Kontak Number: +63910.814.5040                

Antonio Casitas – Head Servant - Sagip Isla, Sagip Kapwa Inc.
Kontak Number: +63910.274.8844